Monday, September 6, 2010

sundalo..

kagabi, hindi ko napigilan na ilabas lahat ng sama ng loob ko tungkol sa pag-aaral sa aking nanay. sinabi ko na hirap na hirap na ako, na hindi ko na kaya. lahat ay sinabi ko sa kaniya..kung gaano ako naaapektuhan sa ginagawa ng professor ko sa amin. hindi ko maintindihan kung bakit ganoon siya sa amin, durog na durog na kami. pakiramdam ko nagiiba na ako, hindi na ako yung dating estudyante na masipag, masaya tuwing pumapasok sa eskwela, laging handa sa anu mang gagawin at mahal na mahal ang kursong pinasok. hindi ko na maramdaman ang saya sa bawat ginagawa ko, hindi ko na maramdaman na para ako sa trabahong iyon. lahat dahil lang sa isang tao. bakit nga ba? hindi ko alam kung anong mangyayari sa hinaharap, takot akong dumating ang bukas, dumating ang pagkakataon na ako ay haharap sa kaniya at wala siyang ibang gagawin kundi ang pagalitan at laitin ang buong pagkatao ko. takot akong lahat ng pinaghirapan ko sa loob ng labing-anim na taon ay biglang matapon lahat, ang binuo kong pangalan ay biglang maglaho. lagi na akong umiiyak, laging takot ang nararamdaman, kalungkutan ang lagi kong kaharap..kahit kasama ko ang pamilya ko at umaaktong kayang kaya ko dalhin ang lahat, pero sa loob-loob ko ay hindi ko na kayang pigilin pang huwag mawalan ng pag-asa. tuwing ako ay mag-isa tsaka ko lang naiisip na ang lungkot ng buhay ko ngayon. hindi ko na makasama ang pamilya ko dahil sa sobrang dami ng gingawa ko. wala na akong oras para kamustahin man lang sila o kaya ay kumain sa labas kahit hindi sa mamahaling kainan...

Pero kahit ngayon ay punong-puno ako ng takot at kalungkutan, ang sinabi sa akin ng nanay ko ang nagpapatatag sa aking pagkatao at nagpapalakas sa aking pananampalataya na makakaya kong lahat at haharapin ko ang magandang bukas...

"dapat para kang sundalo..habang nasusugatan lalong lumalaban..habang minumura lalong tumatapang"